Inutusan ng nanay ko ang utol kong magpa-load. Kasalukuyan siya noong naglalaro Alienshooter. Hindi ako mahilig maglaro ng mga ganoon pero dahil wala akong magawa ay naisip kong makialam at sa unang pagkakataon ay masubukan ang ganoong laro.
Sa una ay hindi ko alam ang mga pipindutin. Pero unti unti ko din natutunan kung papaano. Tuwang-tuwa ako na napapatay ko yung mga Alien. Madali lang pala. Baril ka lang ng baril.
Dumating yung kapatid ko. Patay malisya. Tapos sabi niya, ‘bakit kaya nabawasan ang buhay ko?’. Laking gulat ko. Ang alam ko kasi, napatay ko lahat ng lumalapit.
Umamin na ako. At pagkatapos ay nanood sa kung papaano sya maglaro. Ganun pala iyon. Habang bumabaril ka, umiiwas ka din. Ang pagkakamali ko kasi, hinahayaan ko silang makalapit. Hindi ako natakbo. Hindi ako nag-abalang umiwas.
Para ring buhay ng tao. Madalas tayong pumasok sa mga sitwasyon na inaakala nating kaya nating mapagtagumpayan. Nagiging kampante tayo. Ang hindi natin alam ay unti-unti na nitong winawasak ang ating pagkatao.