Nais ko sanang magpasalamat sa iyo
Salamat dahil ikaw ang unang inibig ko
Na dahil sa iyo ay mas nakilala ko ang sarili ko
At tinuruan mo akong magpaka-totoo
Salamat dahil minahal mo ako
Nga pala, mali ka nung sinabi mong nasaktan mo lang ako
Kasi sa loob ng tatlong buwan na nagmahalan tayo,
Sobra sobra ang kaligayahang nadama ko
Salamat sa mga masasayang alaala
Sa mga pagkakataon na pinakilig mo ng sobra
Salamat sa lahat ng pagpapasensya
Sa kakulitan, kababawan at lahat ng aking mga drama.
Salamat kasi kahit sa huli ay ako pa rin ang inisip mo
Lumayo at pinilit akong mamuhi sa iyo
Ginawa ito para mawala na ang pag-ibig ko
Para hindi na masaktan pa ng todo
Salamat kasi kahit parte na ng nakaraan ang ‘tayo’,
Ay nandyan ka pa din lagi sa tabi ko
Salamat sa pagtupad ng ating pangako
Na habang-buhay ang pagkakaibigan na ito
Laging pakatandaan na nandito lang ako
Kahit marami nang nakapalibot sa iyong mundo
At kahit na ba marami nang nagbago
Mananatili pa rin ang pagpapahalaga ko sa iyo.
Nananabik
Di na makapaghintay
Inaabangan ang iyong pagdating
Nanginginig ang mga kamay
At dumating ka nga
Puso’y napuno ng tuwa
Nang makita na sa wakas ang ngiti mo
Tila ba nawala na sa katinuan ko
Nang ika’y lumapit,
Hindi magawang makapag-salita
Ngunit ngiti’y ‘di mapigil
Hindi maitago ang tuwang nadarama
Hindi makapaniwalang sa wakas ay nakita na
Ang dati’y sa isipan ko lamang nakakasama
At kahit na saglit lamang ang naging pagkikita
Isa ang gabing iyon sa mga di malilimutang alaala
Nasasabik na talaga ng sobra
Na sa unang pagkakataon ay makita ka
Sa bawat oras na akin itong naaalala,
Ay hindi mapigilang ngumiti ng abot tenga
Ilang araw na lang ang paghihintay
At magagawa nang sa iyo’y makasilay
Sa wakas ay makikita na ang iyong mga mata
Na dati’y sa isipan lang ipinipinta.
Ang dibdib ay medyo may kaba
Dahil baka hindi mapansin ang aking presensya
Pero kahit isang ngiti mo lang sana
Ang araw ko’y magiging buo na.
Alam mo ba yung pakiramdam na nakuha mo na yung atensyon ng iba pero hindi ka pa rin kuntento dahil ang pagpansin lamang ng isang tao ang gusto mo? Yung hinahangaan ka ng lahat, gusto kang maging kaibigan at makilala ng lubusan pero pakiramdam mo pa rin na ika’y nag-iisa’t isang kabiguan dahil hindi ka naman magawang lingonin ng taong inaasam mo ang pagtanggap.

Ito yung bilang ng mga nai-post ko sa mga nagdaang buwan. Mapapansin na noong huling mga buwan ay malaki ang naging kaibahan sa bilang ng mga ito. Naku, tatlong buwan pala akong gapos ng pag-ibig. Tatlong buwan pala akong nakulong sa pagmamahal. Nawala yung galak sa pagba-blog at nabuhos ang atensyon dito palibhasa ay perstaym. Pero wala naman akong pagsisisi doon kahit wala na ang lahat dahil yung taong iyon ang isa sa mga taong labis kong hinahangaan dahil sa taglay niyang kabutihan at husay sa pagpapahayag ng nararamdaman.
Kaya nga nakakatuwang muli na naman umakyat yung bilang ng mga post ko ngayong buwan na ito. Ibig sabihin noon ay nakalaya na ako. Nagawang makalimot kahit na ba ang pag-ibig ay hindi pa rin tuluyang naiaalis sa puso ko. Pero mangyayari din yun. Makakalimot din ako. :)
| Ako: | I miss you |
| Siya: | Mas miss kita. Mas mahal kita, e. |
| Ako: | Hindi rin, mas mahal kita. |
| Siya: | Kahit marami kang nilalandi? |
| Ako: | Aw, nasaktan naman ako. |
| Siya: | Joke lang yun, kaw talaga. |
| Ako: | Hindi, wala kang tiwala sa akin |
| Siya: | Nge, di naman ganon |
| Ako: | Mahal kita, mahal kita, mahal kita |
| Siya: | Mas mahal kita sobra. |
Ang totoo nyan e, sobrang natatakot ako. Na hindi pa nga nagsisimula ang lahat e, matapos na ang kung ano man itong meron tayo. Natatakot ako sa katotohanang walang kasiguraduhan ang lahat ng ito. Na ang mga bagay ay masyadong kumplikado. At tanging pag-ibig lang ang siyang nagiging dahilan upang kumapit pa tayo. Ang tanging pinanghahawakan ko kung bakit nananatili pa rin akong umaaasa na balang araw ay magiging malaya rin tayo. Sana nga dumating ang araw na iyon. Na patuloy kang kumapit sa akin dahil kailanman ay hindi ko bibitawan ang kamay mo. Maliban na lang kung kusa mong ilalayo ito.
Iniisip ko yung araw na sa unang pagkakataon ay magkikita na tayo. Kung ano ba ang magiging reaksyon ko pag nagkataon. Kung yayakapin ba kita kaagad o mas mamamayani na naman ang pagiging mahiyain ko at hindi ko alam ang gagawin ko. Ewan ko ba pero sabik na sabik na ako sa araw na iyon. Kasi habang lumilipas ang mga panahon, ang mga araw na hindi tayo nagkakausap at sa isa’t-isa ay walang masyadong oras, mas lalo kong napapatunayan sa sarili ko kung gaano ang pagmamahal ko sa iyo. Dahil lagi kang natakbo sa isipan ko. Lagi kang laman nito. Kaya nga gusto na kitang makita. Para meron naman akong alaala ng unang beses na mahawakan kita, maamoy ka, ang makita ang iyong mga ngiti at ang kagandahan ng iyong mga mata. Nais na kitang makita upang maipadama ko na sayo na mahal kita ng sobra.
Minsan natatawa na lang ako sa sarili ko dahil sa mga kabalastugan na pinapasukan ko. Noon, wala akong masabi tungkol sa pag-ibig at sa kung ano man ito. Kasi nga wala naman akong alam dito. Walang karanasan. Walang karapatan mag-salita dahil wala naman akong maiku-kuwento talaga. Tapos ngayon bigla na lang may dumating na tao sa buhay ko na nagbago ng lahat ng ito. Ang problema lang ay hindi naging madali ang lahat. Nagkandaloko-loko ang unang subok ko. Ang bilis naman kasi ng mga hamon. Baguhan pa nga lang diba? Pero ang dami na kaagad problema. Hindi na lang muna ipinagpaliban kapag may sapat na akong karanasan sana para hindi naman ako masyadong maging emosyonal. Para meron naman akong laban. Pero ano nga bang magagawa ko, e ginusto ko ‘to. Tinamaan ako. Hindi man magiging madali ito, pero sa huli sapat na sa akin na alam kong nagmahal lang ako. At kahit na mahirap ay masaya ako.
Bakit nga ba kapag nagmamahal ka, kahit yung pinaka-ayaw mong kanta nagkakaroon sayo ng halaga basta’t may kinalaman sa istorya nyong dalawa?
Yung tipong naging paborito mong bigla ang Macarena dahil iyon ang tumutugtog na kanta noong una kayong magkita. O yung kinikilig ka kapag naririnig mo yung Halukay Ube dahil iyon ang tumutugtog noong sinagot ka niya.
Bigla itong pumasok sa isipan ko noong paulit-ulit kong nahuhuli ang sariling kumakanta ng ‘bakit nga ba mahal kita, kahit na may mahal ka pang iba..’ na kalaunan ay nalaman kong Roselle Nava ang pangalan ng kumanta. Hindi ko hilig yung mga ganoong kanta, e. Pero dahil may kinalaman ito sa nararamdaman at sitwasyon ko ngayon, tila ba hindi na ito maalis sa isipan ko. Dahil nga ito ang nais isigaw ng puso ko.
Iba talaga ang nagagawa ng pag-ibig ano? Lahat tayo nagiging korni kapag dinapuan tayo nito.