SIRANG TEKLADO
JD TAN. Bente uno. Utak pito. Mukhang trenta'y kwatro. May lahing tsino. Ngunit mas nanaig ang pagiging negro. Welcome sa blog ng isang full-time siraulo.

Araw, Oras, Tagpuan

Ako’y nakaupo sa ilalim ng puno at nakatanaw sa abandonadong gusali na kung saan noo’y madalas tayong makitang magkasama. Iyong gusaling higit pa sa isang palaruan ay nagsilbing kanlungan nating dalawa. Ang nag-iisang saksi sa lahat ng tawanan, iyakan at mga mabababaw nating pag-aawayan. 

Biglang bumalik sa alaala ko yung isang gabing inutusan ako ni inay na bumili ng kandila sa tindahan. Bumabagyo noon at ilang oras na simula noong naputol ang mga ilaw. Napadaan ako sa ating gusali at nakita ang maliit na liwanag sa loob nito.

Ngiti lamang ang isinagot mo sabay pahid sa tinatagong luha noong tinanong kita kung bakit ka naroroon. Niyaya kitang umuwi ngunit ayaw mo. Hindi na kita pinilit dahil sa alam kong gaya sa lahat ng ating mga laro, hindi naman ako mananalo. Sa halip ay tumabi ako sayo’t hinubad ang suot na makapal na damit at iniabot ito sa iyo. Napansin ko kasing ikaw ay nangangatog. 

Gusto ko sanang tanungin ka kung anong nangyari. Dahil hindi mo pa naman nagagawa ito dati. Hindi mo pa nagagawang lumayas sa inyo dahil hindi ka naman suwail na anak gaya ko. Ngunit walang salitang lumalabas sa labi ko. At ang tanging nagawa ko lang ay samahan ka magdamag at noon nga’y magkatabing natulog tayo. 

Pagmulat ng aking mga mata kinaumagahan ay hindi na kita nakita. Iniisip na napagpasiyahan mong umuwi na. Walang ideya na iyon na din ang huling pagkakataon na makikita kita. 

Umiiyak ako habang kinukuwento ni inay ang pagalis ninyo. Hindi mo man lang nagawang magpaalam sa akin kahit sa huling pagkakataon kaya’t magkahalong lungkot at kaunting galit ang nararamdaman ko noon. Ngunit nawala lahat iyon nang sinabi ni inay ang dahilan kung bakit kita naabutang umiiyak noong gabing iyon. Inakala mo daw kasi na ang pakikipagkaibigan mo sa akin ang dahilan ng paglipat ninyo. Dahil noon pa pala ay palagi ka nang pinapagalitan dahil masama lang daw akong impluwensiya sa iyo. Pero ang totoo ay matagal na palang naka-plano ang pagtungo ninyo sa amerika. 

Labindalawang taon na ang lumipas. Wala man lang akong narinig na balita mula sa iyo. Hindi mo man lang nagawang tumawag para kamustahin ako. At hanggang ngayon ay tinatanong ko pa rin sa sarili kung bakit hindi mo man lang nagawang magpaalam sa akin. Hanggang ngayon ay taon-taon pa rin akong dumadalaw sa ating gusali sa parehong petsa ng huli tayong magkita. Nagbabakasakaling may makita ulit na maliit na liwanag isang maulan na gabi at sa isang sulok ay muli kitang makikita. Na tulad ng dati ay magkasama tayong matutulog na dalawa.

Friday, April 20, 2012

Kaya mahal na mahal ko ang Inay, e.

Nag-chat ako sa kanya sa FB na hindi ako makakauwi ngayong gabi at kanila Lindal ako matutulog.
Ako: Ma, nabasa nyo po message ko?
Inay: Jerome, ikaw lagi ka na lng bigla bigla kung magpaalam. Kahit malaki ka na, ayoko ng biglaan ka na lng hindi dito matutulog, tapos hindi pa namin kilala yan.
Ako: Biglaan lang din po kasi, ma. May sakit po yung bata. 15 years old. Wala po ang mama nya. Ang taas po ng lagnat. Alangan pong iwan ko? Diba po ma?
Inay: Ok umuwi ka ng maaga. ano na ininom na gamot ni Lindal? Painumin mo ng paracetamol. Sige mag-ingat kayo dyan.
Ako: Salama po, ma. I love you.
Kahit una ang sermon, hindi talaga tayo matitiis ng mga nanay natin. : ">
Monday, April 16, 2012

Bigla akong nahintakutan dito sa lugar namin. Ibang klase ang trip ng mga magnanakaw. Dire-diretsong papasok sa bahay nyo sabay tutok ng baril sayo. Na-testingan yung kapit-bahay namin kanina. Naka-ilang bahay na pala sila pare. Pati sa kabilang baryo pala, rumarampa sila.

Nakakatakot na din tuloy maglalalakad. Hindi pa naman uso ang poste ng ilaw dito. Earth Hour gabi gabi. Haha.

Dati yung babeng multo na nakaputi lang sa may kusina namin na nakikita ng mga pumupunta dito ang kinatatakutan ko. Ngayon pati ba naman ang naggagalang mangnenenok. Buti na lang at kakaunti lang ang laman ng bahay namin. Lugi pa sia kapag nagkataon. Haha.  

Wednesday, April 11, 2012

May Lumpia! May Lumpia!

Hindi ko ma-contain yung kasiyahan ko. Natutuwa lang kasi ako dahil pag-uwi ko sa bahay ay may lumpia ako. Bigay ng nanay-nanayan ko. Bukod kasi sa paborito ko ang Lumpia, ang nagpatalon sa puso ko ngayon ay yung katotohanan na nag-abala silang lutuan ako. Haha. Babaw no? Pero gets nyo? May nakakaalala sa akin. May nagmamahal sa akin. May nagaabalang maglaan ng oras para ibigay yung gusto ko lalo ngayon sa espesyal na araw ko. yun naman talaga ang gusto natin diba? Yun naman talaga ang isa sa pinaka-masarap na pakiramdam sa mundo diba? May Lumpia! May Lumpia!

Tuesday, April 3, 2012

Pinanindigan ko talaga yung sinabi ko kahapon. Sa iba na ako bumili ng ulam. Hindi na talaga ako bibili doon sa tinderang tumawag sa akin ng ‘tabatchoy’. Hindi naman talaga ako maramdamin at sanay naman ako na tinatawag ng ganoon. Mataba naman talaga kasi ako. Maliwanag iyon. Pero hindi  nakakatuwa yung tono niya e. Nakaka-insulto. Lalo na’t hindi naman kami magkakilala talaga.

Nabawasan tuloy siya ng gwapong customer. Hmp.

Monday, April 2, 2012

Imbes na sa church, sa iba’t-ibang bahay namin ginaganap ang fellowship ng youth group namin every Friday night. Bukod kasi sa napupunan ang hilig namin sa pagkain, nakaka-bonding din namin yung pamilya na literal na ginugulo namin. :)

Noong nakaraang Biyernes, pumirma kami sa isang ‘kasunduan’ na hindi kami papasok sa anumang relasyon sa loob ng isang taon at itutuon ang buo naming atensyon sa relasyon namin sa Panginoon. 

Hindi ako nag-dalawang isip pang pumirma. Kailangan ko kasi ito talaga. Noong mga nagdaang buong isang taon ay malaki ang pinagbago ko. Marami akong nagawa at naging desisyon na alam kong mali. Na nagbunsod sa aking para mapalayo sa Kanya.

Unti-unti kong ibabalik ang dating ako sa gabay ng Panginoon. Dahil sa totoo lang, dati lagi kong iniisip na sakal na sakal ako. Pero noong nakalaya ako, noong nagawa ko ang gusto ko, hindi din naman pala ako liligaya. Mas hinahanap-hanap ko pa rin yung kapanatagan na meron ako sa piling Niya.

Wednesday, March 28, 2012

Pinapalayas na ako.

“Je, imbis na ang mama mo, ikaw na lang kaya ang umalis?”

“Po?” Nagutla ako sa sinabi ng tatay ko habang naghahanda ako sa pagpasok sa trabaho kaninang umaga. Matagal-tagal na din kasing inaawitan ang mga magulang ko na pumunta sa Spain para doon na mag-pastor. Kaso hindi pwede ang tatay ko dahil sa sakit nya. Mahirap din kasing iwanan yung ministry dahil wala namang hahalili sa kanila. 

Napaisip tuloy akong bigla. Kung handa na nga ba ako. Kasi kung sakali man, kakailanganin kong masanay na mamuhay ng sarili ko lang. Na wala akong mauutusang maglaba para sa akin o maghugas ng pinagkainan ko. Tiyak na mahihirapan ako dahil lagi akong naka-depende sa mga tao sa paligid ko.

Iniisip ko din yung gagawin ko doon. Panigurado sa simbahan ako. Pero ano magiging papel ko doon? Bukod sa pagtugtog ng organ, pilit na pagkanta at pagsasayaw ng tambourine, wala na naman akong ibang alam na gawin. Mag-pastor? Hindi. Hindi kasama yun sa pagpipilian. Hindi pwede. Hindi bagay. Hindi ako nararapat sa ganun. Masyado akong maputik. Masyadong madumi. Hehe.

Hindi ko pa alam kung kaya ko. Natatakot din kasi ako. Pero malaking bahagi ng utak ko ang gusto. Gusto ko din kasing may ibang mangyari. Nagsasawa na din ako sa paulit-ulit na takbo ng bawat araw ng buhay ko. 

Nagsisipilyo ako ng ngipin habang ini-estima sa isipan ko kung kakayanin nga ba. Lumapit sa akin kapatid ko at binulungan ako, ‘Kuya, lagi mo akong padadalhan ng mga gusto ko ha.’ Muntik ko na tuloy maibuga yung minumumog ko.

Hindi ko alam. Pag-iisipan at ipapanalangin kong mabuti ito.

Monday, March 26, 2012
Nagpakuha sa akin ng litrato ang tatay ko. Pang-ID daw at ipapa-print nya. Sabi namin ng utol ko, kapag nagpa-print sya, kasama na ang kuha doon. Pero mapilit si paps at seryoso talaga sya sa pagpapa-picture. Ang arte pa. Sobra. Haha. Nakakatuwa din pala minsan ang intsik-behong tatay ko kahit saksakan ng kuripot. Haha.

Nagpakuha sa akin ng litrato ang tatay ko. Pang-ID daw at ipapa-print nya. Sabi namin ng utol ko, kapag nagpa-print sya, kasama na ang kuha doon. Pero mapilit si paps at seryoso talaga sya sa pagpapa-picture. Ang arte pa. Sobra. Haha. Nakakatuwa din pala minsan ang intsik-behong tatay ko kahit saksakan ng kuripot. Haha.

 
Next page