SIRANG TEKLADO
JD TAN. Bente uno. Utak pito. Mukhang trenta'y kwatro. May lahing tsino. Ngunit mas nanaig ang pagiging negro. Welcome sa blog ng isang full-time siraulo.

Madaling tanggapin ang panghuhusga dahil alam naman natin na lahat naman tayo ay hindi nakaliligtas sa puna ng iba. Dahil maging tayo ay madalas ding manghusga; sa isipan man ito o nakikita sa mga mata. Ang nakalulungkot lang ay madalas nating pinapalagay na ang ating puna ay agad nang tama. Kahit walang ebidensya; kahit walang sapat na paliwanag o kahit simpleng paghingi ng panig ng iba. Na hindi iniiisip ang damdamin nila. Hindi iniintindi na baka isa iyong bagay na noon pa man ay nagpapahirap na sa kanila. Dahil magaling lang tayong magturo ng kahinaan ng iba; hindi tinitingnan ang mga kamay kung malinis nga ba.

Friday, May 25, 2012

It’s funny how people judge you based on what they think they know about you, and how they would always think they are right about their judgments. How can they be, when all that they see are just the things that you wanted them to see? When all that you are showing is just a front, an identity you try to make of yourself, because you don’t even know yourself to begin with?

Takot tayong masaktan ngunit nagagawa nating manakit ng iba. Hindi gustong mahusgahan ngunit kay inam namang manghusga. Ayaw mabalewala ngunit hindi naman magawang mapansin ang mga taong sa ati’y nagpapahalaga. Masarap harayain ang isang mundong ang hangad lamang ng tao ay ang ikaliligaya ng iba bukod sa sarili nila. Ngunit sa huli, mas ninanais pa din nating gawing komplikado ang lahat at patuloy na masaktan at makapanakit ng iba. Naniniwala yata kasi tayong lahat na kung walang sakit ay walang ligaya.

Monday, May 21, 2012

Ganun talaga. Darating yung araw na magiging estranghero na lang ang tingin sayo ng mga taong kinikilala mo ngayon. Kahit ano pang gawin mong pag iingat at pagpapahalaga sa kanila wag lang silang mawala, makakalimutan at iiwan ka din nila. Magiging bahagi ka na lang ng isang matandang nakaraan at lumang alaala. At hindi mo sila mapipilit na manatili sa buhay mo dahil hindi naman ikaw ang mundo nila, maliit na bahagi ka lamang  nito.

Sunday, May 20, 2012

Hindi naman ito biglaang desisyon. Matagal ko itong pinag-isipan. Dahil hindi talaga ako sanay sa padalos-dalos na kilos; tantiyado lagi ang bawat galaw. Kasi nga ay nalulungkot din naman ako. Kinokonsidera din ang iisipin ng iba. Ngunit para din naman ito sa ikabubuti. Ko, at maging na rin nila. Para sa ikapapanatag ng kalooban ng lahat. Dahil kung tutuusin ay isa lang ako at hindi rin naman iyon masasabing kawalan. Gusto ko lang talaga ng tahimik na buhay. Gusto ko ng payapang isipan. At alam kong ito lang ang nag-iisang kaparaanan.  

Nais kong magsimulang muli. Magpanibago. Alisin sa buhay ang lahat ng mga bagay na nakapagpapagulo lamang sa isipan ko. Ilayo ang sarili sa mga taong maaaring maging dahilan ng pagkadapa ko; ng mas ikalulungkot ko. Na maging mas matatag sa pagkakataong ito. Matutong manindigan. Tumayo sa sariling paa ko at hindi dahil sa dikta ng ibang tao. 

Friday, May 11, 2012

Magkaiba kasi yung paniniwala natin, e. Para sa iyo, basta may pananampalataya ka ay walang imposible. At ako naman ay naniniwalang ang pananampalataya ang kinakailangan din ng gawa. Siguro nga hindi kasing tatag ng pananampalataya mo ang sa akin. Siguro kasi mas sanay akong laging kalkulado ang aking bawat galaw. Laging dapat na pinagiisipan at pinaghahandaan ang mga hakbang. Yung mga gaya mo ang kinaiinggitan ko. Yung walang kinatatakutang kahit ano dahil naniniwala kang lahat ay malalampasan mo.

Thursday, May 10, 2012

Minsan may nagsabi sa akin na pumasok lang ako sa isang relasyon kapag gusto ko na talaga. Kapag ako’y handa na. Dahil mananakit lang ako kapag hindi ako sigurado. At alam kong tama siya. Dahil isa na yata sa pinaka-nakakalungkot na bagay sa mundo ang manakit ng iba para lamang sa iyong ikasisiya.

Thursday, May 3, 2012

Siguro nga mali yung paraan ko ng paghahanap sa taong nakalaan para sa akin. Na kailangan kong tigilan ang pagtingin sa bawat taong pasok sa tipo ko at alam kong kahit papaano’y may interes sa akin bilang mga posibleng mahalin. Minsan napapaisip ako, ‘dapat ba talaga akong maghanap?’ Kasi para namang wala akong nakikita. Para namang walang gusto akong makasama. Pero natatakot kasi akong bumalik sa paghihintay. Dahil laging pumapasok sa isipan ko na baka  wala naman sa aking nakalaan. Na mabubuhay lang ako na nag-iisa at habang-buhay na magnanasa. Na makaramdam din ng pagmamahal. Na may tao akong makakasama sa pagharap sa buhay. 

Wednesday, May 2, 2012

Minsan iniisip ko kung totoo ba akong nabubuhay o bahagi lang ako ng isang laro’t tampulan ng katatawanan ng mga nilalang na hindi ko nakikita. Na baka lahat ng nangyayari   yung mga panandaliang saya at mga nangyayaring hindi maganda  ay upang mawala ang pagkabagot nila. Na baka lahat sa buhay ko ay naka-plano na at ang magiging katapusan nito ay naisulat na. Na akong nasa loob ng laro ay walang ideya na kahit ano pang naisin ko sa buhay, na kahit anong plano pang gawin ko, ay hindi ko na mababago ang aking kapalaran. Na ang mga nangyayari at mga mangyayari pa ay sa mga naglalaro nakasalalay.

 
Next page